Safe Haven

Naririnig mo ba ang mga paghikbi ko? Naririnig mo ba ang mga daing ko? Naririnig mo ba ang pighati ko? Naririnig mo ba ang boses kong puno ng pagkahapo? Naririnig mo ba ang bawat pagbigkas ko sa pangalan mo? Naririnig mo pa ba ako sa malayo? Naririnig mo pa ba ako sa distansyang mayroon tayo ngayon? Sana.. sana oo. Sana malinaw mo pang naririnig ang boses ko.

Gusto ko sanang maging katulad ng dati, na nariyan ka para patahimikin ang  mga takot, para yakapin ako sa lungkot, patulugin ako sa kandungan mong kapayapaan ang dulot.

Maaari bang ganoon na lang ulit?
Kahit saglit?
Isalba mo naman ako, dahil gustong gusto ko nang pumuslit sa mundong puno ng sakit.
Isalba mo ako ulit.
Pakiusap.

Advertisements

Drunk Lang Walang I love you

Ala una ng madaling araw nang isinulat ko ito, habang kinabisado ang tunog ng ulan sa labas. Habang binabalot ang sarili sa isang kumot mula sa lamig na iyong iniwan. Habang nag-uunahan ang pagtulo ng mga luha mula sa aking mga mata. Habang nilulunod ang sarili sa alak, hawak ang isang pirasong papel at panulat.

Iniisip ko kung ano ang sasabihin ko sayo. Sa dami ng mga ito, hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. May mga pagkakataon na gusto kitang sumbatan, itanong sa’yo kung bakit mo ako sinaktan. May mga pagkakataon naman na gusto lang kitang yakapin nang mahigpit, yung yakap na dadaloy mula sa puso mo patungo sa akin. Masyadong komplikado, alam ko, pero hindi ako magulo, lango lang ako sa alak pero alam ko ang gusto kong sabihin sayo. Kaya basahin mo ‘to.

Mahal kita.

Tangina diba? Alam mo bang galit na galit ako sa sarili ko? Kasi sa bawat tagay nagbabasakali akong maubos na itong nararamdaman kong matagal nang nakaimbak dito sa puso ko. Pinipilit ko. Tangina, pinipilit ko.Pero hindi, hindi ko kaya.Gusto kong sabihin sa’yo na mahal pa rin kita , mahal. Ayoko ng simpleng mahal kita, gusto ko yung mahal kita na rinig ng buong mundo. Yung tipong sasabog sa tuwa ang puso ko sa tuwing namumutawi ito sa bibig ko. Ayoko ng pabulong, ng patago.

Ngunit, oo naisip ko, tapos na nga pala. Dapat tapos na ‘yung mahal kita. Hindi ka babalik kahit hilahin kita pabalik. Hindi ka babalik kahit ilang sulat pa ang aking sulatin. Hindi ka babalik kahit ilang patak pa ng luha ang aking ipandilig sa pag-ibig nating nalanta na. Hindi ka babalik kahit paulit-ulit kong isigaw ang pangalan mo sa aking paghimbing. Kaya oo, lango ako sa alak. Lasing sa pangungulila. Pero di na kita mahal. Naalala lang.

Paboritong Awitin

Alam mo ba iyong pakiramdam? Iyong pakiramdam na nakikinig ka sa isang pamilyar na awitin ngunit hindi mo matandaan ang pamagat? Pilit mong hinahanap sa likod ng iyong isipan ang mga katagang kukumpleto sa koro kahit na medyo magulo.
Pilit mong sinusundan ‘yung tono, tinatandaan kung saan mo unang narinig ito.
Hindi kaya sa radyo?
Sa stereo ng dyipni habang papauwi galing sa trabaho?

Hindi mo matandaan,
Kung kailan,
Kung saan,
Ngunit alam mo, na minsan, naging paborito mo ito.
Ito ang iyong tugtugin simula pa lang ng araw,
Kasama sa pagkakape,
Hanggang sa mataong kalsada ng EDSA.
Nagbibigay ginhawa sa masasamang araw tulad na lamang noong nasira mo iyong printer sa opisina.
Kasama sa tuwa, sa saya, sa luha.
Sa malamig na gabi ng apat na sulok mong kwarto.

Oo, minsan mo itong naging paborito.
Hanggang sa nalaos, pinagsawaan, at pinalitan mo.

Hindi na sya,
Hindi na ako,
Oo, ako yung awiting minsan mong naging paborito.
Pero wag kang mag-aalala, hindi naman ako nagagalit sayo.
Alam ko naman kung gaano nakakasawang makinig sa paulit-ulit kong tono, ritmo, at liriko. Ang panget pa ng boses ko.
Kaya ayos lang. Naiintindihan ko naman.

Kaya bilang pagtatapos may hihingin lang sana akong pabor,
Pwede bang sa susunod na marinig mo ang tinig ko, takpan mo na lang ang tenga mo?
Wag ka nang makinig sa kahit anong sabihin ko.
Hayaan mo na lang akong mapaos hanggang sa tuluyan nang mawala ang boses kong ito.
Pangako, kapag ako’y napaos, titigil na ako.
Hindi na ako aawit muli para sayo.
At habang hindi pa nangyayari iyon, pakiusap,
Kalimutan mong minsan ako’y naging paboritong awitin mo.

Mapaglarong Mundo

Masyadong mapaglaro ang ikot ng mundo,
Mula pagkabata, ipinagkait na nito sa akin lahat ng luho.
Pero ayos lang, dahil wala naman akong hiniling na makuha, maliban na lang noong dumating ka.
Gabi-gabi kong inaantay ang pagbulusok ng mga bulalakaw sa langit,
Umaasang sana, dinggin ng kalawakan ang nag-iisa kong nais.
Ngunit hindi.
Pati ikaw, na kaisa-isang bagay na aking hiniling ay ipinagdamot nito sa akin.

Habang mabilis akong humahakbang kasalungat ng pag-ikot nito;
Ay sya rin namang pagtutulak nya sa’yo palayo sa piling ko.
Para bang lagi nitong sinasabi na, “Hanggang dito ka lang sa epicenter ko.
Di mo na sya pwedeng sundan sa kabilang parte ng mundo”.

May mga pagkakataon naman na hinahayaan nitong makalapit sa’yo ng mga isang metro,
Ngunit, titisurin ako nito,
Masusugatan ang mga tuhod sa mga bato,
Tsaka sasabihing, “Tumayo ka na dyan, nakalayo na naman sya oh.”

Nakakapagod na minsan,
Tumatagaktak na ang pawis,
Gabi-gabing na ang pagtanggis,
Pudpod na ang swelas ng tsinelas,

Pero ang layo mo pa din.

Pwede bang magpahinga ka naman?
Tumigil sa paglalakad kahit minsan?
Pwede bang huwag kang makinig sa sinasabi ng iba?
Alam kong tarantado ang mundo,
Medyo nakakapagod na ring makipaglaro dito,
Medyo nakahahapo.

Ngunit susubukan ko pa rin,
Sana ikaw rin.
Patunayan natin sa mundo na wala itong kinalaman sa “tayo”.

Sa’yo Na

Sabi nila, kalimutan na kita para daw matigil na ako sa halos araw-araw kong pangungulila; sa gabi gabi kong pagluha
Sabi ng kalawakan, bitiwan na kita sapagkat ang gayak ng mga bituin ay hindi tugma para sa ating dalawa.
Sabi ng tadhana, palayain na kita dahil ikaw ay para sa kanya at ako ay para sa iba.

Ngunit wala akong pakialam sa kung sino pa mang Hudas ang magsasabi na hindi tayo para sa isa’t-isa.
Wala na rin akong pakialam sa mga dahilan, sa mga pagbabawal, sa mga haka-haka, sa mga babala.
Kaya kong talikuran ang lahat at hindi na muling lumingon pa.

Kaya kong mag-paroo’t parito;magkalyo man ang mga paa ko kakatakbo.
Masigurado ko lang na mahihimlay ako sa piling mo.
Kaya kong tiisin ang init ng araw, ang bagsik ng ulan, ang peligro sa lansangan;
Basta ako ay uuwit’ uuwi sayo.
Pagka’t itong nararamdam ko ay sayo na.

Wala nang bawian.
Wala nang balikan.
Ikaw na lang ang dahilan.

Ang Huling Piyesa

Ikaw ang dahilan sa likod ng una kong piyesa,
Naalala ko,
Iyon yaong araw na unang beses tayong lumabas nang magkasama.
Naglalakad tayo sa mataong bangketa;
Nakatingin ako sa mga kamay nating magkahawak at nangingiti na parang tanga.

Nagtungo tayo sa isang perya,
Kumain ng kwek kwek,isaw,betamax at iba pa.
Tapos may panulak pang palamig na tig’lilima.
Sumakay tayo ng ferris wheel; sumasalubong ang malamig na hangin sa mga nakatawa nating mukha.

Sa sobrang saya ko nang araw na iyon,
Nakasulat ako ng tula,
At habang tumatagal,
Nadagdagan nang nadagdagan ang mga tula, ang mga tugma, ang mga katha.

Akala ko, iyon na.
Akala ko, permanente na yung saya,
Pero syempre, mapaglaro ang tadhana.
Hindi pa pala.

Nagsimula nang magbago ang lahat.
Lumawak nang lumawak ang mundong ginagalawan.
Ang mga tawanan ay napalitan ng sigawan,
Ang mga yakap ay napalitan ng mga malalamig na gabi.

Sinubukan kong ayusin,
Sinubukan kong lagyan ulit ng tugma,
Ayusin ang mga salita, lagyan ng ritmo ang bawat tula.
Sinubukan ko, pero wala.

Hindi ba natin pwede ibalik ang nakaraan?
Noong hindi pa komplikado ang ginagalawan nating mundo?
Noong sapat na sa atin ang ikaw at ako?
Noong mga panahong ikaw pa ang laman ng panulat ko.