Ikaw at Ako

Paminsan-minsan, may mga araw pa rin talagang naiisip kita. Na kahit gaano katagal nang panahon ang lumipas, iniisip ko pa rin kung kamusta ka na kaya? Kumakain ka ba sa oras? Nakakatulog ka ba nang maayos? Ano na kaya ang ginagawa mo? Masaya ka na ba ulit? Iniisip mo rin ba ako? O isang alaala na lang ba akong matagal nang kumupas para sa iyo?

Sa mga pagkakataong lumilipad ang mga tanong na yan sa isip ko, madalas kong titigan ang nag-iisang larawan mong pinakaiingatan ko. Siguro hindi ako ganito ka miserable kung nandirito ka. Siguro, ayos lang sa akin kung talikuran man ako ng lahat kasi alam kong nandyan ka. Siguro pupunasan mo ang aking mga luha kada iiyak ako at sasabihing “ayos lang yan, di naman kita iiwan.” Siguro patatawanin mo ako tulad noon. Miss na miss na miss na miss na miss na miss na kita. Kahit taon na ang lumipas, ikaw pa rin talaga. Walang iba. Hindi naman sa pinipilit kita, pero pwede bang bumalik ka na?

Hindi ko maipaliwanag iyong pangungulila ko sa’yo. Masyadong malalim na sobrang nakakalunod na, hindi ko alam kung makakaahon pa ba ako o hindi na. Masyadong masakit sa damdamin, hirap na akong huminga. Masyadong maigting na para bang sabik na sabik akong masilayan kang muli at makulong sa iyong mga bisig. Sa lugar kung saan ako nararapat. Sa lugar kung saan ligtas ako, kung saan panatag ako. Kung saan masaya ako kahit ikaw lang at ako.

Takbo Para sa Paglimot

Ang paglimot ko sa iyo ay parang paligsahan sa pagtakbo. Oo sa pagtakbo. Yung paligsahan na kung sino ang unang makarating sa dulo ay ang syang mananalo. Mawawagi ng medalya, at nakangiting haharap sa mga tao.

Noong una, nakikipagsabayan pa ako sa mga katulad kong minalas sa larangan ng nakakatangang pag-ibig. Pero di kalaunan ay nakaramdam ako ng pagod, iyong pakiramdam na parang magkakalaskalas ang mga buto ko makatakbo lang palayo sa mga alaala mo. Hindi ko na rin alam kung pawis lang ba o luha na ang tumutulo sa mukha ko. O kung parehas na ba kasi minsan hindi ko na alam ang pinagkaiba ng mga ito. Ito iyong klase ng pagod na nakakapagod kasi parang milya milya na ang aking itinakbo ngunit bigo pa rin akong matanaw ang dulo.

Nakakapagod, kaya tumigil ako, hinayaan kong lumipas ang panahon, baka sakaling sapat na ang oras na ginugol ko para maghilom ang mga sugat na iniwan mo. Baka maaaring hindi na ako tumakbo. Baka maaaring manatili na lang ako dito na wala nang nararamdaman na kahit ano. Baka maaaring ako na lang ang tumupad sa mga sumpaan nating dapat ay tayo. Akala ko pwedeng ganoon, akala ko maaari akong mamuhay sa nakaraan. Akala ko pwede ko pang pulutin ang mga piraso ng kahapon at hawakan ang mga ito nang mahigpit at hindi nasusugatan. Akala ko maaari akong mabuhay sa isang sulok ng natitirang pundasyon ng ating mga pangarap.

Ngunit hindi pala, mas mahapdi palang manatili sa isang lugar kung saan araw araw kong hinihiling na sana ay masilayan ko ulit ang mga ngiti mo, marinig ang nakakahawang tawa mo. Yung sa bawat paggalaw ko, nakikita ko ang anino mo. Mas mahapdi pa lang manatili sa lugar na minsang naging tahanan mo. Mas mahapdi pa lang manatili sa lugar na puno ng mga alaala mo.

Kaya masakit man sa akin, ay inabandona ko ang mga piraso mo kasama ng pag asang unti unti rin itong magiging abo. Nagsimula akong maglakad at paunti unting tumakbo. Hinahanap ko ang mga kasabayan ko noon, ngunit ni anino ng mga ito ay hindi ko na makita. Napakamot ako sa ulo sa pagkaiyamot. Tangina, napagiwanan na ako. Malamang ay nasa dulo na ang mga iyon. Siguro’y nakikipagpatintero na muli kay tadhana o baka naman nagsisimula na muling maging maligaya. Kung hindi siguro ako tumigil ay naroroon na rin ako. Paano ba kasi tuluyang tumalikod nang hindi na muling lumilingon? Paano ba manalo laban sa’yo? Kaya pakiusap, h’wag mo na akong hilahin muli pabalik sa kahapon na pinaka ingatan ko. Huli na ‘to.

Where Do You Want to Go?

I want to go away. So far away. To a place where no one knows me at all, where no one can judge me based on what I did, based on my past or based on what they see. A place where I can breathe from all the anxieties brought by life. To a place where I can hear the humming of the birds, the calmness of the sea, the whistle of the wind. I want to feel the sun light against my skin. I want to sit watching the sunset and the sunrise for hours, days, months or even years at peace, if that is even possible. I want to forget everything. Just everything. I want a place where I can be alive, just once again.

Run Away

When the time isn’t right,
I’ll wait for you.
When the sky gets dark,
I’ll soak in the rain with you.
When things get hard,
I’ll held your hand.

But when the world gets too harsh,
When the time goes counter clock wise,
When the the rain turns to thunderstroms,
When things are too hard for us to take,
Will you run away with me?

Safe Haven

Naririnig mo ba ang mga paghikbi ko? Naririnig mo ba ang mga daing ko? Naririnig mo ba ang pighati ko? Naririnig mo ba ang boses kong puno ng pagkahapo? Naririnig mo ba ang bawat pagbigkas ko sa pangalan mo? Naririnig mo pa ba ako sa malayo? Naririnig mo pa ba ako sa distansyang mayroon tayo ngayon? Sana.. sana oo. Sana malinaw mo pang naririnig ang boses ko.

Gusto ko sanang maging katulad ng dati, na nariyan ka para patahimikin ang  mga takot, para yakapin ako sa lungkot, patulugin ako sa kandungan mong kapayapaan ang dulot.

Maaari bang ganoon na lang ulit?
Kahit saglit?
Isalba mo naman ako, dahil gustong gusto ko nang pumuslit sa mundong puno ng sakit.
Isalba mo ako ulit.
Pakiusap.

Drunk Lang Walang I love you

Ala una ng madaling araw nang isinulat ko ito, habang kinabisado ang tunog ng ulan sa labas. Habang binabalot ang sarili sa isang kumot mula sa lamig na iyong iniwan. Habang nag-uunahan ang pagtulo ng mga luha mula sa aking mga mata. Habang nilulunod ang sarili sa alak, hawak ang isang pirasong papel at panulat.

Iniisip ko kung ano ang sasabihin ko sayo. Sa dami ng mga ito, hindi ko alam kung ano ang uunahin ko. May mga pagkakataon na gusto kitang sumbatan, itanong sa’yo kung bakit mo ako sinaktan. May mga pagkakataon naman na gusto lang kitang yakapin nang mahigpit, yung yakap na dadaloy mula sa puso mo patungo sa akin. Masyadong komplikado, alam ko, pero hindi ako magulo, lango lang ako sa alak pero alam ko ang gusto kong sabihin sayo. Kaya basahin mo ‘to.

Mahal kita.

Tangina diba? Alam mo bang galit na galit ako sa sarili ko? Kasi sa bawat tagay nagbabasakali akong maubos na itong nararamdaman kong matagal nang nakaimbak dito sa puso ko. Pinipilit ko. Tangina, pinipilit ko.Pero hindi, hindi ko kaya.Gusto kong sabihin sa’yo na mahal pa rin kita , mahal. Ayoko ng simpleng mahal kita, gusto ko yung mahal kita na rinig ng buong mundo. Yung tipong sasabog sa tuwa ang puso ko sa tuwing namumutawi ito sa bibig ko. Ayoko ng pabulong, ng patago.

Ngunit, oo naisip ko, tapos na nga pala. Dapat tapos na ‘yung mahal kita. Hindi ka babalik kahit hilahin kita pabalik. Hindi ka babalik kahit ilang sulat pa ang aking sulatin. Hindi ka babalik kahit ilang patak pa ng luha ang aking ipandilig sa pag-ibig nating nalanta na. Hindi ka babalik kahit paulit-ulit kong isigaw ang pangalan mo sa aking paghimbing. Kaya oo, lango ako sa alak. Lasing sa pangungulila. Pero di na kita mahal. Naalala lang.